Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 21:24-30 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

24. Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Alam na ng lahat ang masasama ninyong gawain at paghihimagsik; kayo'y hinatulan ko na. Pababayaan ko kayong mahulog sa kamay ng inyong mga kaaway.

25. At ngayon, masamang pinuno ng Israel, dumating na rin ang iyong oras, ang pangwakas na parusa sa iyo.

26. Akong si Yahweh ang maysabi nito: Hubarin mo na ang iyong turbante at korona. Mababaligtad na ang dating katayuan: ang hamak ay dadakilain at ang mga namamahala ay aalisin sa tungkulin.

27. Lubusan kong wawasakin ang lunsod sa pamamagitan ng taong pinili ko upang magsagawa nito.

28. “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga Ammonita dahil sa paghamak nila sa Israel. Sabihin mong ako si Yahweh. Ganito ang sabihin mo:Ang tabak ay binunot na upang ipamuksa;pinakintab ito upang kumislap at gumuhit na parang kidlat.

29. Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang mga pahayag. Ang tabak ay igigilit sa kanilang lalamunan dahil sa kanilang kasamaan. Ito na ang kanilang wakas, ang pangwakas na parusa sa kanila.

30. “Isuksok muli ang tabak. Ikaw ay paparusahan ko sa bayan mong tinubuan.