Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 21:21-32 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

21. Pagdating ng hari ng Babilonia sa sangandaang iyon, hihinto siya upang sumangguni sa kanyang diyus-diyosan. Hahaluin niya ang kanyang mga palaso sa lalagyan, at susuriin ang atay ng hayop na panghandog.

22. Mabubunot niya ang palaso na may tatak na ‘Jerusalem.’ Ito ang hudyat ng paglusob upang wasakin nila ang mga pintuang-bayan, at magtayo ng mga tanggulan.

23. Subalit ito'y hindi paniniwalaan ng mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga kasunduang pinagtibay. Ngunit ito'y mangyayari para maalala nila ang kanilang kasamaan at magbabala na mahuhulog sila sa kamay ng mga kaaway.”

24. Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Alam na ng lahat ang masasama ninyong gawain at paghihimagsik; kayo'y hinatulan ko na. Pababayaan ko kayong mahulog sa kamay ng inyong mga kaaway.

25. At ngayon, masamang pinuno ng Israel, dumating na rin ang iyong oras, ang pangwakas na parusa sa iyo.

26. Akong si Yahweh ang maysabi nito: Hubarin mo na ang iyong turbante at korona. Mababaligtad na ang dating katayuan: ang hamak ay dadakilain at ang mga namamahala ay aalisin sa tungkulin.

27. Lubusan kong wawasakin ang lunsod sa pamamagitan ng taong pinili ko upang magsagawa nito.

28. “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga Ammonita dahil sa paghamak nila sa Israel. Sabihin mong ako si Yahweh. Ganito ang sabihin mo:Ang tabak ay binunot na upang ipamuksa;pinakintab ito upang kumislap at gumuhit na parang kidlat.

29. Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang mga pahayag. Ang tabak ay igigilit sa kanilang lalamunan dahil sa kanilang kasamaan. Ito na ang kanilang wakas, ang pangwakas na parusa sa kanila.

30. “Isuksok muli ang tabak. Ikaw ay paparusahan ko sa bayan mong tinubuan.

31. Ibubuhos ko sa iyo ang galit kong nag-aalab na parang apoy. Ibibigay kita sa mga taong walang pakundangan kung pumatay ng kapwa.

32. Tutupukin ka sa apoy. Ang iyong dugo ay mabubuhos sa sariling bayan at wala nang makagugunita pa sa iyo. Akong si Yahweh ang may pahayag nito.”