Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 21:18-28 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

18. Sinabi pa sa akin ni Yahweh,

19. “Ezekiel, anak ng tao, gumawa ka ng magkasangang landas na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na taglay ang kanyang tabak. Ang puno nito ay magbubuhat sa isang bayan lamang. Maglagay ka ng palatandaan sa lugar na pinaghiwalayan ng dalawang daan;

20. ang isa ay patungo sa Lunsod ng Rabba, sa Ammon at ang isa ay sa Juda, sa nakukutaang Lunsod ng Jerusalem.

21. Pagdating ng hari ng Babilonia sa sangandaang iyon, hihinto siya upang sumangguni sa kanyang diyus-diyosan. Hahaluin niya ang kanyang mga palaso sa lalagyan, at susuriin ang atay ng hayop na panghandog.

22. Mabubunot niya ang palaso na may tatak na ‘Jerusalem.’ Ito ang hudyat ng paglusob upang wasakin nila ang mga pintuang-bayan, at magtayo ng mga tanggulan.

23. Subalit ito'y hindi paniniwalaan ng mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga kasunduang pinagtibay. Ngunit ito'y mangyayari para maalala nila ang kanilang kasamaan at magbabala na mahuhulog sila sa kamay ng mga kaaway.”

24. Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Alam na ng lahat ang masasama ninyong gawain at paghihimagsik; kayo'y hinatulan ko na. Pababayaan ko kayong mahulog sa kamay ng inyong mga kaaway.

25. At ngayon, masamang pinuno ng Israel, dumating na rin ang iyong oras, ang pangwakas na parusa sa iyo.

26. Akong si Yahweh ang maysabi nito: Hubarin mo na ang iyong turbante at korona. Mababaligtad na ang dating katayuan: ang hamak ay dadakilain at ang mga namamahala ay aalisin sa tungkulin.

27. Lubusan kong wawasakin ang lunsod sa pamamagitan ng taong pinili ko upang magsagawa nito.

28. “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga Ammonita dahil sa paghamak nila sa Israel. Sabihin mong ako si Yahweh. Ganito ang sabihin mo:Ang tabak ay binunot na upang ipamuksa;pinakintab ito upang kumislap at gumuhit na parang kidlat.