Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 20:5-11 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Sabihin mong ipinapasabi ko na noong piliin ko ang Israel, ako'y nangako sa kanila. Nagpakilala ako sa kanila sa lupain ng Egipto na akong si Yahweh ang magiging Diyos nila.

6. Ipinangako kong iaalis ko sila sa Egipto at dadalhin sa lupaing inilaan ko sa kanila, isang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, at pinakamainam sa buong daigdig.

7. Sinabi ko sa kanila noon na talikuran nila ang mga diyus-diyosan ng Egipto at huwag nilang sambahin ang mga iyon sapagkat ako ang Diyos nilang si Yahweh.

8. Ngunit hindi nila ako sinunod, hindi nila ako pinakinggan. Hindi nila tinalikuran ang kasuklam-suklam na mga bagay na iyon ni iniwan ang mga diyus-diyosan ng Egipto.“Binalak ko sanang ibuhos na sa kanila ang aking matinding poot noong nasa Egipto pa sila.

9. Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga karatig-bansa ng Israel, mga bansang ninanasa kong makakita sa gagawin kong pag-aalis ng Israel sa Egipto.

10. Inialis ko nga sila roon at dinala sa ilang.

11. Doon, ibinigay ko sa kanila ang Kautusan at mga tuntuning dapat nilang sundin upang sila'y mabuhay.