Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 20:42-49 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

42. At kung madala ko na kayo sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga magulang, makikilala ninyong ako si Yahweh.

43. Doon, maaalala ninyo ang inyong masasamang lakad at gawain. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong sarili.

44. At kung tanggapin ko kayong mabuti at di ko gawin ang nararapat sa inyong masasamang lakad at gawain, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

45. At sinabi sa akin ni Yahweh,

46. “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa gawing timog, at magpahayag laban dito at sa kagubatan nito.

47. Sabihin mo sa kagubatan ng timog, dinggin mo ang salita ni Yahweh: Ipalalamon kita sa apoy. Tutupukin ko ang iyong mga punongkahoy, maging sariwa o tuyo. Di mapapatay ang apoy na ito, at lahat ay masusunog nito, mula sa timog hanggang hilaga.

48. Makikita ng lahat na akong si Yahweh ang sumunog niyon at ang apoy nito'y hindi mapapatay.”

49. Sinabi ko, “Yahweh, huwag mong ipagawa iyan sa akin; baka sabihin nilang ako'y nagsasalita nang hindi nila nauunawaan.”