Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 20:34-43 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

34. Ipapakita ko sa inyo ang aking kapangyarihan. Titipunin ko kayo mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo,

35. at dadalhin sa gitna ng mga bansa upang doon parusahan.

36. Kung ano ang ginawa ko sa inyong mga magulang nang sila'y nasa ilang ng Egipto, gayon ang gagawin ko sa inyo.

37. Susupilin ko kayo para sundin ninyo ang aking tipan.

38. Ihihiwalay ko ang mga mapaghimagsik at makasalanan. Iaalis ko nga sila sa lupaing pinagtapunan ko sa kanila ngunit hindi sila makakapanirahan sa Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

39. Sinabi ni Yahweh, “Bayan ng Israel, kung ayaw ninyong makinig sa akin, huwag! Sumamba na kayo sa inyong mga diyus-diyosan hanggang gusto ninyo. Ngunit darating ang araw na hindi na ninyo ako lalapastanganin. Hindi na kayo maghahandog sa inyong mga diyus-diyosan.

40. “Ako'y sasambahin ng buong Israel sa bundok na itinalaga ko,” sabi ni Yahweh. “Doon ninyo ako paglilingkuran. Doon ko kayo pakikiharapan. Doon ko hihintayin ang paghahain ninyo ng mga piling handog.

41. Doon ko tatanggapin ang inyong mga handog pagkatapos ko kayong tipunin mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo, at doon ko rin ipapakita sa mga bansa na ako ay banal.

42. At kung madala ko na kayo sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga magulang, makikilala ninyong ako si Yahweh.

43. Doon, maaalala ninyo ang inyong masasamang lakad at gawain. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong sarili.