Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 17:18-24 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

18. Hindi siya makakaiwas; sumira siya sa kasunduan at pagkatapos ay hindi tumupad sa pangako.”

19. Ipinapasabi pa ni Yahweh: “Ako ang Diyos na buháy. Paparusahan ko siya sa pagbale-wala niya sa aking sumpa at sa pagsira sa aking tipan.

20. Susukluban ko siya ng lambat at masusuot siya sa kaguluhan. Dadalhin ko siya sa Babilonia upang doon parusahan dahil sa pagtataksil niya sa akin.

21. Ang mga pili niyang tauhan ay mamamatay sa tabak at ang matitira'y ikakalat ko sa lahat ng dako. Kung magkagayo'y maaalala mo na akong si Yahweh ang maysabi nito.”

22. Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Kukuha ako ng isang usbong ng sedar at aking iaayos. Ang kukunin ko'y ang pinakamura ng pinakamataas na sanga. Itatanim ko ito sa isang mataas na bundok,

23. sa pinakamataas na bundok ng Israel upang lumago at mamungang mabuti at maging isang kahanga-hangang sedar. Sa gayon, lahat ng uri ng hayop ay makakapanirahan sa ilalim nito. Ang mga ibon nama'y makapamumugad sa mga sanga nito.

24. Kung magkagayon, malalaman ng lahat ng punongkahoy na maibababâ ko ang mataas na kahoy at maitataas ko ang mababa; na mapapatuyo ko ang sariwang kahoy at mapapanariwa ko ang tuyong punongkahoy. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito at ito'y gagawin ko.”