Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 16:23-38 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

23. Sinabi ni Yahweh, “Kahabag-habag ang kasasapitan mo. Pagkat bukod sa mga kasamaang iyo nang nagawa,

24. nagpatayo ka pa ng nakaarkong altar at nagpagawa ng mataas na entablado sa bawat plasa.

25. Nagpagawa ka ng mataas na entablado sa mga panulukan ng daan at doon mo ipinaangkin ang iyong kagandahan sa bawat magdaan. Maraming beses mo itong ginawa.

26. Maraming ulit ka ring nagpaangkin sa Egipto, ang makasanlibutan mong kapit-bansa, kaya labis akong nagalit sa iyo.

27. Dahil dito, paparusahan kita. Babawasan ko ang iyong mana. Ipapasakop kita sa mga Filisteo, ang mga taong namumuhi sa iyo. Sila ma'y muhi sa mahalay mong gawain.

28. “Dahil sa iyong kawalang kasiyahan, napaangkin ka rin sa taga-Asiria.

29. Hindi ka pa nasiyahan dito, maraming beses mo ring ipinaangkin ang iyong katawan sa bansang Caldea, ang lupain ng mga mangangalakal. Ngunit hindi ka pa rin nakuntento rito.

30. “Naging talamak na ang iyong kasamaan! Nagawa mo ang mga bagay na itong angkop lamang gawin ng isang babaing makapal na ang mukha dahil sa kasamaan.

31. Nagpatayo ka ng nakaarkong altar sa mga panulukan ng daan at ng mataas na tayuan sa bawat plasa. At masahol ka pa sa babaing bayaran sapagkat kung minsa'y ikaw pa ang nagbabayad sa umaangkin sa iyong kagandahan.

32. O babaing mangangalunya, mas gusto mo pang pasiping sa iba kaysa iyong asawa.

33. Ang mga lalaki'y nagbabayad sa mga babaing bayaran, ngunit iba ka. Ikaw pa ang nagbabayad sa sinumang gusto mong umangkin sa iyo para lamang magawâ mo ang iyong kahalayan.

34. Kabaligtaran ka ng babaing bayaran. Hindi ikaw ang hinahanap, ikaw ang naghahanap. Hindi ka nagpabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Grabe ka talaga.

35. “Kaya nga, babaing ubod ng sama, dinggin mo ang salita ni Yahweh.

36. Ito ang kanyang ipinapasabi: Winaldas mo ang iyong ari-arian, inilagay mo ang iyong sarili sa kahiya-hiyang kalagayan dahil sa pagiging mahalay. Sumamba ka sa mga diyus-diyosan. Pinatay mo't inihandog sa mga ito ang iyong mga anak.

37. Kaya, titipunin ko laban sa iyo ang lahat ng naging mangingibig mo, maging mga minamahal o maging kinapopootan mo. Sa harap nila'y huhubaran kita upang malagay ka sa matinding kahihiyan.

38. Hahatulan kitang tulad sa isang babaing taksil sa asawa at berdugo ng sariling mga anak. At sa tindi ng galit ko sa iyo, paparusahan kita ng kamatayan.