Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 16:15-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. “Ngunit naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Kaya nahumaling ka sa kahalayan at ang sarili mo'y ipinaangkin sa lahat ng makita mo.

16. Hinubad mo ang bahagi ng iyong kasuotan, ginamit sa pagtatayo ng altar sa mga burol, at doon mo isinagawa ang iyong kahalayan. Wala pang nangyayaring tulad nito at wala nang mangyayari pa sa hinaharap.

17. Hinubad mo rin ang ilan sa magagandang alahas na ginto at pilak na ibinigay ko sa iyo, at ginawang larawan ng mga tao na iyong sinamba.

18. Binalot mo ito ng balabal mong puno ng magandang burda at ginamit mong pabango ang aking langis at insenso.

19. Tinustusan kita ng pinakapinong harina, langis at pulot-pukyutan, ngunit pati tinapay na ibinigay ko sa iyo ay inihandog mo sa kanila.

20. Ang mga anak na ipinagkaloob ko sa iyo ay inihandog mo rin sa iyong diyus-diyosan. Hindi ka pa nasiyahan.

21. Pinatay mo pati aking mga anak at sinunog bilang handog sa iyong diyus-diyosan.

22. Nang gawin mo ang mga kasamaang ito at ang iyong kahalayan ay hindi mo na naisip ang kalagayan mo noong bata ka: hubad, at kakawag-kawag sa sariling dugo.”

23. Sinabi ni Yahweh, “Kahabag-habag ang kasasapitan mo. Pagkat bukod sa mga kasamaang iyo nang nagawa,

24. nagpatayo ka pa ng nakaarkong altar at nagpagawa ng mataas na entablado sa bawat plasa.

25. Nagpagawa ka ng mataas na entablado sa mga panulukan ng daan at doon mo ipinaangkin ang iyong kagandahan sa bawat magdaan. Maraming beses mo itong ginawa.

26. Maraming ulit ka ring nagpaangkin sa Egipto, ang makasanlibutan mong kapit-bansa, kaya labis akong nagalit sa iyo.

27. Dahil dito, paparusahan kita. Babawasan ko ang iyong mana. Ipapasakop kita sa mga Filisteo, ang mga taong namumuhi sa iyo. Sila ma'y muhi sa mahalay mong gawain.