Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 13:9-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Paparusahan ko ang mga propetang may huwad na pangitain at nagpapahayag ng kasinungalingan. Hindi sila mapapabilang sa lupong sanggunian ng aking bayan o sa aklat-talaan ng bayan ng Israel. Hindi na kayo makakapasok muli sa lupaing ito. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.

10. Dinadaya ninyo ang aking bayan. Sinasabi ninyong, ‘Payapa ang lahat’ gayong wala namang kapayapaan. At kapag may nagtatayo ng mahinang pader, tinatapalan ninyo ito ng kalburo.

11. Sabihin mo sa kanila na guguho ang pader na iyon sapagkat bubuhos ang malakas na ulan, babagyo ng yelo at magpapadala ako ng unos.

12. At pagbagsak ng pader na iyon, itatanong sa inyo kung nasaan ang inyong itinapal.”

13. Kaya, ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dahil sa aking galit, magpapadala ako ng unos. Dahil sa tindi ng aking poot, ibubuhos ko ang malakas na ulan. Dahil sa laki ng aking galit, magpapaulan ako ng yelo upang sirain ang pader na iyon.

14. Ang pader na inyong tinapalan ng kalburo ay iguguho ko hanggang sa pundasyon nito. Pagguho nito, matatabunan kayo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.

15. Ang matinding galit ko'y ibubuhos ko sa pader na iyon at sa mga nagtapal niyon. Pagkatapos, sasabihin kong wala na ang pader pati ang mga nagtapal niyon.

16. Ang mga nagtapal ng pader ay ang mga propeta ng Israel na nagsabing maayos ang lahat sa Jerusalem ngunit kabaligtaran ang nangyari.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.

17. Ang sabi ni Yahweh, “Ngayon, Ezekiel, magpahayag ka laban sa mga kababayan mong babae na nagpahayag ayon sa kanilang sariling isipan.