Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 13:2-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

2. “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga propeta ng Israel sapagkat ang ipinapahayag nila sa mga tao ay sarili nilang kaisipan at hindi mula sa akin. Sabihin mo sa kanilang makinig sa mensahe ni Yahweh!”

3. Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kaawa-awa ang kalagayang sasapitin ng mga propetang nagpapahayag ng sariling kaisipan at hindi ang mula sa akin.

4. Bayang Israel, ang iyong mga propeta ay parang mga alamid sa mga pook ng lagim.

5. Hindi nila ginawa ang sirang bahagi ng pader ng sambahayan ni Israel para ito'y manatiling nakatayo sa araw ni Yahweh.

6. Pawang kasinungalingan ang ipinahayag nila. Ang pahayag nila'y, ‘Sinasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko sila sinusugo. Sa kabila noon, inaasam nilang pangyayarihin ko ang kanilang ipinahayag.

7. Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang pahayag sapagkat sabi nila'y ipinapasabi ko iyon bagama't wala akong sinasabing ganoon.”

8. Kaya't ipinapasabi sa kanila ng Panginoong Yahweh: “Huwad ang inyong pangitain at kasinungalingan ang inyong pahayag. Ako'y laban sa inyo.

9. Paparusahan ko ang mga propetang may huwad na pangitain at nagpapahayag ng kasinungalingan. Hindi sila mapapabilang sa lupong sanggunian ng aking bayan o sa aklat-talaan ng bayan ng Israel. Hindi na kayo makakapasok muli sa lupaing ito. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.

10. Dinadaya ninyo ang aking bayan. Sinasabi ninyong, ‘Payapa ang lahat’ gayong wala namang kapayapaan. At kapag may nagtatayo ng mahinang pader, tinatapalan ninyo ito ng kalburo.