Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 12:1-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Sinabi sa akin ni Yahweh,

2. “Ezekiel, anak ng tao, nasa gitna ka ng isang mapaghimagsik na bayan. May mga mata sila ngunit hindi nakakakita; may mga tainga ngunit hindi naman nakakarinig

3. sapagkat sila'y mapaghimagsik. Kaya nga, magbalot ka ng kailangan mo sa paglalakbay bilang isang bihag. Bago dumating ang gabi, maglalakad ka sa lansangan nang nakikita nila at baka sakaling makaunawa sila sa kabila ng pagiging mapaghimagsik na lahi.

4. Samantalang maliwanag pa, maghanda ka ng iyong dala-dalahan nang nakikita nila at kinagabihan ay maglalakad kang parang manlalakbay.

5. Pagkatapos, bumutas ka sa pader at doon ka magdaan.

6. Pasanin mo ang iyong dala-dalahan at lumakad kang nakikita nila. Magtakip ka ng mukha para hindi mo makita ang lupain pag-alis mo pagkat ikaw ang gagawin kong pinakababala sa mga Israelita.”

7. At ginawa ko ang lahat ayon sa utos sa akin. Nang araw na iyon, naghanda ako ng aking madadala bilang isang takas. Kinagabihan, sa pamamagitan lamang ng aking mga kamay, bumutas ako sa pader at nagpatuloy sa paglalakbay na nakikita nila habang pasan ko ang aking mga dala-dalahan.

8. Kinaumagahan, sinabi sa akin ni Yahweh,

9. “Ezekiel, anak ng tao, hindi ba't itinanong sa iyo ng mapaghimagsik na mga Israelitang yaon kung ano ang iyong ginagawa?

10. Sabihin mo sa kanila na ipinapasabi ko: ‘Ang pahayag na ito ay para sa pinuno ng Jerusalem at sa buong Israel.

11. Sabihin mong ang ginawa mo ay pinakababala sa gagawin sa kanila: Itatapon sila, at ipapabihag.’

12. Pagdilim, papasanin ng pinuno ng Jerusalem ang kanyang dala-dalahan at tatakas sa pamamagitan ng butas sa pader. Magtatakip siya ng kanyang mukha para hindi niya makita ang lupaing iiwan niya.

13. Ngunit susukluban ko siya ng lambat. Huhulihin ko siya at dadalhin sa Babilonia kung saan doon siya mamamatay nang hindi ito nakikita.

14. Ang mga nasasakupan niya ay pangangalatin ko sa lahat ng dako, ang kanyang mga lingkod at buong hukbo. Ang mga ito'y uusigin ko sa pamamagitan ng tabak.