Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 1:8-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Nasa ilalim ng kanilang mga pakpak ang kanilang mga kamay na parang kamay ng tao.

9. Magkakadikit ang kanilang mga pakpak. Hindi na sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila kahit saan.

10. Sa harap, mukha silang tao. Sa kanang tagiliran, mukhang leon. Sa kaliwa naman ay mukha silang toro at mukhang agila sa likuran.

11. Ang tig-dalawa nilang pakpak ay nakabukang pataas at magkaabot ang dulo. Ang tig-dalawa naman ay nakatakip sa kanilang katawan.

12. Hindi na nga sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila sa lahat ng dako.

13. Sa gitna nila ay may naglalagablab na apoy na parang sulo, at nagpapalipat-lipat sa apat na nilalang na buháy. Maningning ang liwanag niyon at pinagmumulan ng kidlat.

14. Ang apat na nilalang ay nagpaparoo't paritong simbilis ng kidlat.

15. Nang tingnan kong muli ang apat na nilalang, may nakita akong tig-isang gulong sa tabi nila.

16. Ang mga ito ay kumikislap na parang topaz. Iisa ang ayos nila at parang ang isa'y nakapaloob sa isa.

17. Ang mga ito'y hindi na kailangang ipihit saanman ito gustong pagulungin pagkat nakaharap kahit saan.

18. Ang bawat gulong ay puno ng mga mata sa palibot.

19. Paglakad ng apat na nilalang, kasunod ang mga gulong. Kapag sila'y tumaas, tumataas din ang mga gulong.

20. Saanman gumawi ang apat na nilalang ay kasunod ang apat na gulong pagkat ang apat na nilalang ang nagpapagalaw sa apat na gulong.

21. Kaya paglakad ng apat na nilalang, lakad din ang mga gulong. Pagtigil naman, tigil din sila. Pagtaas, taas din sila. Anuman ang gawin ng apat na nilalang ay ginagawa ng apat na gulong.

22. Sa ulunan ng apat na nilalang, naroon ang isang bubungang tila kristal.