Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 40:29-38 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

29. Ang altar na sunugan ng mga handog ay inilagay niya sa harap ng pintuan ng Toldang Tipanan at dito niya inialay ang mga handog na sinusunog at mga handog na pagkaing butil, tulad ng utos ni Yahweh.

30. Inilagay niya ang palanggana sa pagitan ng Toldang Tipanan at ng altar, at ito'y nilagyan ng tubig.

31. Doon naghuhugas ng paa't kamay sina Moises, Aaron at ang kanyang mga anak.

32. Tuwing papasok sila sa Toldang Tipanan o lalapit sa altar, naghuhugas sila tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises.

33. Pinaligiran niya ng tabing ang tolda at ang altar; tinabingan din niya ang pintuan ng bulwagan. Natapos ni Moises ang lahat ng ipinagagawa sa kanya.

34. Nang magawâ ang Toldang Tipanan, nabalot ito ng ulap at napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh.

35. Hindi makapasok si Moises sapagkat nanatili sa loob nito ang ulap at napuspos ito ng kaluwalhatian ni Yahweh.

36. Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo.

37. Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad.

38. Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ni Yahweh ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama'y ang haliging apoy. Ito'y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay.