Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 4:13-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. “Yahweh, maaari po bang iba na lang ang inyong suguin?” sagot ni Moises.

14. Dahil dito, nagalit si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, “Hindi ba kapatid mo ang Levitang si Aaron? Alam kong mahusay siyang magsalita. Darating siya at makikipagkita sa iyo; matutuwa siya sa pagkikita ninyo.

15. Kausapin mo siya at sabihin mo ang lahat ng dapat niyang sabihin. Tutulungan ko kayo sa pagsasalita at ituturo ko sa inyo ang inyong dapat gawin.

16. Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao at ikaw ang magiging tagapagsalita ng Diyos na magsasabi naman sa kanya kung ano ang sasabihin niya.

17. Dalhin mo ang iyong tungkod sapagkat iyan ang gagamitin mo sa paggawa ng mga kababalaghan.”

18. Umuwi si Moises upang magpaalam sa biyenan niyang si Jetro. Sinabi niya, “Babalik po ako sa Egipto. Dadalawin ko po ang aking mga kamag-anak doon para malaman ko naman kung buháy pa sila.” Pumayag naman si Jetro.

19. Matapos magpaalam, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magbalik ka na sa Egipto sapagkat patay nang lahat ang mga taong ibig pumatay sa iyo.”

20. Kaya, isinakay niya sa mga asno ang kanyang asawa't mga anak at naglakbay sila patungong Egipto; dala niya ang kanyang tungkod.

21. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang mga kababalaghang ipinagagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin ang mga ito. Ngunit patitigasin ko ang puso niya upang hindi niya payagang umalis ang mga tao.