Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 4:1-11 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Itinanong ni Moises, “Anong gagawin ko kung hindi makinig sa akin ang mga Israelita at hindi maniwalang nagpakita kayo sa akin?”

2. “Ano iyang hawak mo?” tanong sa kanya ni Yahweh.“Tungkod po,” sagot ni Moises.

3. “Ihagis mo sa lupa!” utos ni Yahweh. Inihagis nga ito ni Moises sa lupa at ito'y naging ahas, kaya't siya'y tumakbong palayo.

4. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Hawakan mo sa buntot ang ahas.” Hinawakan nga ni Moises at ito'y naging tungkod muli.

5. “Ganyan ang gagawin mo para maniwala silang nagpakita ako sa iyo, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob,” sabi ni Yahweh.

6. “Ipasok mo ang iyong kamay sa damit mo, sa tapat ng iyong dibdib,” utos ni Yahweh. Gayon nga ang ginawa ni Moises at nang ilabas niya, ito'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong na kasimputi ng niyebe.

7. “Ipasok mo uli,” utos ni Yahweh at sumunod naman si Moises. Nang ilabas niyang muli ang kanyang kamay, nagbalik na ito sa dati.

8. Sinabi ng Diyos, “Kung ayaw ka pa nilang paniwalaan sa unang kababalaghan, malamang na paniniwalaan ka na nila sa ikalawa.

9. Kung ayaw pa rin nilang makinig sa iyo, kumuha ka ng tubig sa Ilog Nilo, ibuhos mo sa lupa at ang tubig na iyon ay magiging dugo.”

10. Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Panginoon, sa mula't mula pa'y hindi po ako mahusay magsalita. Bagama't nangusap ka na sa akin, hanggang ngayo'y pautal-utal pa rin ako kung magsalita.”

11. Sinabi ni Yahweh, “Sino ba ang gumagawa sa bibig ng tao? Sino ang may kapangyarihan para maging bingi o pipi ang isang tao? At sino rin ba ang nagbibigay ng paningin at nag-aalis nito? Hindi ba't akong si Yahweh?