Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 32:5-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Nang ito'y makita ni Aaron, gumawa siya ng altar sa harap nito at sinabi sa mga tao, “Ipagpipista natin bukas si Yahweh.”

6. Kinabukasan, maaga silang bumangon at naghandog ng mga hayop at sinunog sa altar. Nagpatay pa sila ng hayop na kanilang pinagsalu-saluhan. Sila'y nagpakabusog, nag-inuman at mahalay na nagkasayahan.

7. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako.

8. Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila'y iyon ang diyos na naglabas sa kanila sa Egipto.

9. Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matitigas ang kanilang ulo.

10. Hayaan mong lipulin ko sila at ikaw at ang iyong lahi'y gagawin kong isang malaking bansa.”

11. Nagmakaawa si Moises kay Yahweh: “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.

12. Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita'y inilabas ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong parusa sa kanila.

13. Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila'y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.”

14. Hindi nga itinuloy ni Yahweh ang balak na paglipol sa mga Israelita.

15. Pagkaraan noon, si Moises ay bumalik mula sa bundok dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos.

16. Ang Diyos mismo ang gumawa ng dalawang tapyas na bato at nag-ukit ng mga utos na nakasulat doon.

17. Nang pabalik na sila, narinig ni Josue ang sigawan ng mga tao. Sinabi niya kay Moises, “May ingay ng labanan sa kampo.”

18. “Ang naririnig ko'y hindi sigaw ng tagumpay o ng pagkatalo, kundi awitan,” sagot ni Moises.

19. Nang sila'y malapit na sa kampo, nakita ni Moises ang guya at ang mga taong nagsasayawan. Dahil dito, nagalit siya. Ibinalibag niya sa paanan ng bundok ang mga tapyas na bato at ito'y nadurog.

20. Kinuha niya ang guya at sinunog. Pagkatapos, dinurog niya ito nang pino saka ibinuhos sa tubig at ipinainom sa mga Israelita.

21. Hinarap niya si Aaron, “Ano bang ginawa nila sa iyo at pumayag kang gawin ang malaking kasalanang ito?”