Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 29:6-24 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. Isuot mo kay Aaron ang turbante at ikabit rito ang koronang kinasusulatan ng katagang “Inilaan kay Yahweh”.

7. Bilang pagtatalaga, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo ang kanyang ulo.

8. “Pagkatapos ni Aaron, ang kanyang mga anak naman ang iyong itatalaga. Isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan,

9. itali ang mga pamigkis sa kanilang baywang, at ilagay ang turbante sa kanilang mga ulo. Sa gayon, magiging pari sila sa bisa ng aking utos. Ganyan ang gagawin mo sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak.

10. “Dalhin mo sa harap ng Toldang Tipanan ang batang toro. Ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ito.

11. Papatayin mo ang batang toro sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan.

12. Kumuha ka ng kaunting dugo nito at sa pamamagitan ng iyong daliri, pahiran mo ng dugo ang mga sungay ng altar. Ang matitirang dugo ay ibuhos mo sa paanan ng altar.

13. Pagkatapos, kunin mo ang taba ng mga laman-loob, ang taba ng atay at ang dalawang bato kasama ng taba nito, at sunugin mo sa altar bilang handog.

14. Ang balat, ang karne at ang dumi ay susunugin sa labas ng kampo sapagkat ito'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan.

15. “Kunin mo ang isa sa dalawang lalaking tupa at ipatong sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak.

16. Patayin mo ang tupa, kumuha ka ng kaunting dugo at iwisik mo sa mga gilid ng altar.

17. Pagkatapos, katayin mo ang tupa, hugasan ang mga laman-loob nito pati ang mga paa, at ipatong mo ito sa altar kasama ang ibang bahagi nito at ang ulo.

18. Sunugin mo ang mga ito sa altar upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh.

19. “Kunin mo ang isa pang tupa at ipapatong din sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak.

20. Patayin mo ang tupa at sahurin ang dugo. Pahiran mo nito ang lambi ng kanang tainga ni Aaron at ng kanyang mga anak at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa. Ang dugong matitira ay iwisik mo sa lahat ng gilid ng altar.

21. Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at kaunting langis na pantalaga. Iwisik mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, pati sa kanilang kasuotan. Sa ganitong paraan, siya at ang kanyang mga anak pati ang kanilang kasuotan ay nakalaan para kay Yahweh.

22. “Kunin mo ang taba ng tupa: ang taba sa buntot, ang tabang nakabalot sa laman-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba at ang kanang hita.

23. Kumuha ka ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, at isang manipis na tinapay. Ang mga tinapay na ito ay walang pampaalsa at nakalagay sa basket na nasa altar ni Yahweh.

24. Lahat ng ito'y pahawakan mo kay Aaron at sa kanyang mga anak upang ialay nila bilang natatanging handog kay Yahweh.