Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 29:20-36 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. Patayin mo ang tupa at sahurin ang dugo. Pahiran mo nito ang lambi ng kanang tainga ni Aaron at ng kanyang mga anak at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa. Ang dugong matitira ay iwisik mo sa lahat ng gilid ng altar.

21. Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at kaunting langis na pantalaga. Iwisik mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, pati sa kanilang kasuotan. Sa ganitong paraan, siya at ang kanyang mga anak pati ang kanilang kasuotan ay nakalaan para kay Yahweh.

22. “Kunin mo ang taba ng tupa: ang taba sa buntot, ang tabang nakabalot sa laman-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba at ang kanang hita.

23. Kumuha ka ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, at isang manipis na tinapay. Ang mga tinapay na ito ay walang pampaalsa at nakalagay sa basket na nasa altar ni Yahweh.

24. Lahat ng ito'y pahawakan mo kay Aaron at sa kanyang mga anak upang ialay nila bilang natatanging handog kay Yahweh.

25. Pagkatapos, kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar, sa ibabaw ng handog na sinusunog, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.

26. “Kunin mo ang parteng dibdib ng tupang ito, at ialay mo bilang natatanging handog kay Yahweh; ito naman ang bahaging nakalaan para sa iyo.

27. “Iaalay mo bilang natatanging handog ang dibdib at ang hitang para kay Aaron at sa kanyang mga anak.

28. Ito ay magiging tuntuning magpakailanman para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga bahaging nabanggit na para sa kanila ay mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita.

29. “Pagkamatay ni Aaron, ang sagrado niyang kasuotan ay ibibigay sa kanyang mga anak. Ang kasuotang ito ang gagamitin nila sa panahon na sila ay italaga at buhusan ng langis.

30. Pitong araw na isusuot ito ng sinumang hahalili kay Aaron pagpasok nito upang maglingkod sa Toldang Tipanan.

31. “Kunin mo ang tupang ginamit sa pagtatalaga at ilaga mo ito sa isang sagradong lugar.

32. Ipakain mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, kasama ng tinapay na nasa basket, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan.

33. Kakainin nila ang inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan nang sila'y italaga. Mga pari lamang ang kakain nito sapagkat ito'y sagrado.

34. Kung hindi maubos ang tupa o ang tinapay, sunugin ito kinaumagahan at huwag kakainin sapagkat ito'y sagrado.

35. “Sundin mong lahat ang iniutos ko sa iyo tungkol sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak; pitong araw mo itong gagawin.

36. Araw-araw, maghahandog ka ng isang bakang lalaki para sa pagpapatawad ng kasalanan. Gagawin mo ito upang maalis ang kasalanan sa altar. Pagkatapos, buhusan mo ito ng langis upang maging sagrado.