Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 29:1-9 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. “Ganito ang gagawin mo sa paglalagay kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki sa tungkulin bilang mga pari: Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan.

2. Kumuha ka rin ng tinapay na walang pampaalsa, bibingkang walang pampaalsa at minasa sa langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at pinahiran ng langis. Lahat ng ito'y kailangang yari sa pinakamainam na harinang trigo.

3. Ilagay mo ito sa isang basket at ihandog sa akin, kasama ng batang toro at ng dalawang lalaking tupa.

4. “Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at maligo sila roon.

5. Isuot mo sa kanya ang mahabang panloob na kasuotan, ang damit bago ang efod, ang efod at ang pektoral, saka itali ang pamigkis ng efod.

6. Isuot mo kay Aaron ang turbante at ikabit rito ang koronang kinasusulatan ng katagang “Inilaan kay Yahweh”.

7. Bilang pagtatalaga, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo ang kanyang ulo.

8. “Pagkatapos ni Aaron, ang kanyang mga anak naman ang iyong itatalaga. Isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan,

9. itali ang mga pamigkis sa kanilang baywang, at ilagay ang turbante sa kanilang mga ulo. Sa gayon, magiging pari sila sa bisa ng aking utos. Ganyan ang gagawin mo sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak.