Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 28:5-24 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Ang mga kasuotang ipapagawa mo ay gagamitan ng ginto, lanang asul, murado at pula, at pinong sinulid na lino.

6. “Ang efod ay gagawin nilang yari sa ginto, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at hinabing telang lino at buburdahan nang maganda.

7. Palagyan mo ito ng dalawang tali sa balikat na siyang magdudugtong sa harap at likod.

8. Kabitan ito ng pamigkis na yari din sa ginto, lanang asul, kulay ube at pula, at hinabing telang lino.

9. “Kumuha ka ng dalawang batong kornalina at ipaukit mo roon ang pangalan ng labindalawang anak na lalaki ni Israel,

10. tig-anim sa bawat bato ayon sa pagkakasunod ng kanilang kapanganakan.

11. Ipagawa mo ito sa mahusay na platero at ipakabit mo ito sa lalagyang ginto.

12. Ikakabit ito sa tali sa balikat ng efod bilang tagapagpaalala sa labindalawang anak na lalaki ni Israel. Sa ganitong paraan, dadalhin ni Aaron sa kanyang mga balikat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ni Israel upang sila'y maalala ni Yahweh.

13. “Magpapagawa ka rin ng dalawa pang patungang ginto,

14. at dalawang nilubid na ginto na ikakabit mo sa dalawang patungan.

15. “Gumawa ka rin ng pektoral na gagamitin ng pinakapunong pari sa pag-alam ng kalooban ni Yahweh. Buburdahan ito nang maganda, tulad ng sa efod. Ang gagamitin dito'y ginto, lanang kulay asul, kulay ube at pula, at telang lino.

16. Gawin mo itong parisukat at magkataklob: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad.

17. Lagyan ito ng apat na hilera ng mga mamahaling bato. Sa unang hilera ay rubi, topaz at karbungko.

18. Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante.

19. Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista.

20. At sa ikaapat na hilera ay berilo, kornalina at jasper. Ang mga ito'y ikakabit sa patungang ginto.

21. Labindalawa lahat ang batong gagamitin upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel.

22. Gumawa ka ng dalawang maliliit na lubid na ginto at ikabit mo sa pektoral.

23. Kabitan mo ito ng dalawang argolyang ginto sa mga sulok sa itaas,

24. at dito itatali ang dalawang lubid na ginto.