Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 28:35-43 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

35. Ito'y isusuot ni Aaron tuwing gaganap ng tungkulin bilang pari upang marinig ang tunog ng kampanilya tuwing siya'y papasok at lalabas sa Dakong Banal ni Yahweh. Sa gayon, hindi siya mamamatay.

36. “Gumawa ka rin ng isang palamuting ginto na may nakaukit na ganito: ‘Inilaan kay Yahweh.’

37. Itali mo ito ng asul na lubid sa turbante,

38. sa tapat ng noo ni Aaron; siya ang magdadala ng anumang pagkukulang ng mga Israelita sa kanilang paghahandog kay Yahweh. Sa gayo'y magiging kalugud-lugod sa kanya ang kanilang mga handog.

39. “Ipagpagawa mo si Aaron ng mahabang panloob na kasuotan at turbanteng yari sa telang lino at pamigkis na buburdahan nang maganda.

40. “Ang mga anak naman ni Aaron ay ipagpapagawa mo ng mahabang panloob na kasuotan, pamigkis at karaniwang turbante upang sila'y maging kagalang-galang at maayos tingnan.

41. Ipasuot mo ito sa kapatid mong si Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki. Buhusan mo sila ng langis, italaga at ilaan sa paglilingkod sa akin bilang mga pari.

42. Ipagpapagawa mo rin sila ng linong salawal na hanggang hita para hindi makita ang kanilang kahubaran.

43. Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ay magsusuot nito pagpunta sa Toldang Tipanan o paglapit sa altar sa Dakong Banal para hindi magkasala at nang hindi sila mamatay. Mananatili itong tuntunin para kay Aaron at sa kanyang salinlahi.