Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 28:21-28 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

21. Labindalawa lahat ang batong gagamitin upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel.

22. Gumawa ka ng dalawang maliliit na lubid na ginto at ikabit mo sa pektoral.

23. Kabitan mo ito ng dalawang argolyang ginto sa mga sulok sa itaas,

24. at dito itatali ang dalawang lubid na ginto.

25. Ang kabilang dulo ng mga ito ay ikakabit naman sa dalawang patungang ginto na nasa tali sa balikat ng efod, sa gawing harapan.

26. Kabitan mo rin ng tig-isang argolyang ginto sa magkabilang sulok sa ibaba, sa bandang loob, malapit sa efod.

27. Gumawa ka ng dalawa pang argolyang ginto, ikabit mo ito sa tali sa balikat ng efod, sa harapan, sa tabi ng dugtungan, sa gawing itaas ng pamigkis.

28. Ang argolya ng pektoral at ang argolya ng efod ay pagkakabitin ng lubid na asul para huwag magkahiwalay.