Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 25:22-39 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

22. Doon tayo magtatagpo sa Luklukan ng Awa, sa pagitan ng dalawang kerubin; doon ko ibibigay sa iyo ang kautusan ko sa mga Israelita.

23. “Gagawa ka rin ng isang mesang yari sa akasya na 0.9 metro ang haba, 0.5 metro ang lapad, at 0.7 metro ang taas.

24. Balutan mo ito ng purong ginto at paligiran mo ng muldurang ginto.

25. Lagyan mo ang gilid nito ng sinepa na singlapad ng isang palad at paligiran din ng muldurang ginto.

26. Gumawa ka ng apat na argolyang ginto at ikabit mo sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito.

27. Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa.

28. Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa akasya at babalutin din ito ng ginto.

29. Gumawa rin kayo ng mga kagamitang ginto: plato, tasa, banga at mangkok para sa mga handog na inumin.

30. Ang mga tinapay na handog ninyo sa akin ay ilalagay ninyo sa mesa sa harapan ko.

31. “Gumawa kayo ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso.

32. Lalagyan mo ito ng anim na sanga, tatlo sa magkabila.

33. Bawat sanga'y lagyan mo ng tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot.

34. Ang tangkay naman ay lagyan mo rin ng apat na bulaklak na tulad ng nasa sanga.

35. Lalagyan mo ng usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat dalawang sanga.

36. Ang mga usbong, mga sanga, at ang tagdan ng ilawan ay gagawin ninyong isang piraso na gawa sa purong ginto.

37. Gagawa kayo ng pitong ilaw para sa mga patungang ito. Iayos ninyo ito upang ang liwanag nito'y nasa harap ng ilawan.

38. Ang pang-ipit ng mitsa at ang patungan ay dalisay na ginto rin.

39. Sa lahat ng ito ay 35 kilong purong ginto ang gagamitin ninyo.