Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 24:7-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang sumagot ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ni Yahweh.”

8. Pagkatapos, kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ni Yahweh sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”

9. Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel.

10. Doo'y nakita nila ang Diyos ng Israel. Ang kanyang tuntungan ay parang bughaw na safiro at nakakasilaw na parang langit.

11. Ngunit walang masamang nangyari sa kanila kahit nakita nila ang Diyos. At sila'y kumain doon at uminom.

12. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito. Maghintay ka at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng mga kautusan at ng mga tagubilin. Sinulat ko ito upang maging tuntuning ituturo mo sa mga tao.”

13. Umakyat nga si Moises, kasama ang lingkod niyang si Josue.

14. Bago siya lumakad, sinabi niya sa mga pinuno ng Israel, “Hintayin ninyo kami rito. Kasama ninyong maiiwan sina Aaron at Hur; sila ang inyong lapitan sakaling magkaroon ng anumang usapin sa inyo.”

15. Umakyat si Moises sa bundok at ito'y natakpan ng ulap.

16. Ang Bundok ng Sinai ay nalukuban ng kaluwalhatian ni Yahweh; anim na araw itong nabalot ng ulap. Nang ikapitong araw, si Moises ay tinawag ni Yahweh mula sa gitna ng ulap.