Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 21:20-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. “Kapag sinaktan ng isang tao ang kanyang alipin, maging babae o lalaki, at ito'y namatay noon din, paparusahan ang taong iyon.

21. Ngunit kung ang alipin ay mabuhay ng isa o dalawang araw, hindi paparusahan ang amo sapagkat kanyang ari-arian ang alipin.

22. “Kung ang nag-aaway ay makasakit ng nagdadalang-tao at dahil doo'y nakunan ito, ngunit walang ibang pinsala, ang nakasakit ay magbabayad ng halagang hihingin ng asawa ng babae ayon sa kapasyahan ng mga hukom.

23. Ngunit kung may iba pang pinsalang tinamo ang babae, paparusahan ang nakasakit: buhay din ang kabayaran sa buhay,

24. mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa,

25. sunog sa sunog, sugat sa sugat, galos sa galos.

26. “Kapag pinalo ng amo ang kanyang alipin, lalaki o babae, at ito'y nabulag, palalayain niya ang aliping iyon bilang kabayaran sa mata nito.

27. Ganoon din ang gagawin kung mabungi ng amo ang ngipin ng kanyang alipin, bilang kabayaran naman sa ngipin nito.

28. “Kapag ang isang baka ay nanuwag at nakapatay ng tao, babatuhin ang baka hanggang sa mamatay, ngunit huwag kakanin ang karne nito; walang pananagutan ang may-ari ng baka.

29. Kung ito'y dati nang nanunuwag ngunit pinabayaan pa ng may-ari matapos tawagin ang kanyang pansin, papatayin ang baka gayundin ang may-ari kapag nakamatay ang baka.

30. Gayunman, kung lalagyan ng halaga ang buhay ng namatay, babayaran ito ng may-ari at hindi na siya papatayin.

31. Kahit bata ang mapatay ng baka, iyan din ang tuntunin.