Magandang Balita Biblia Revisi

Exodo 13:1-8 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Sinabi ni Yahweh kay Moises,

2. “Ilaan ninyo sa akin ang mga panganay sapagkat akin ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel, maging tao o hayop.”

3. Sinabi naman ni Moises sa mga Israelita, “Aalalahanin ninyo ang araw na ito ng inyong paglaya sa pagkaalipin sa bansang Egipto; mula roo'y inilabas kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa.

4. Umalis kayo ng Egipto sa araw na ito ng unang buwan.

5. Dadalhin kayo ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno, sa isang mayaman at masaganang lupain; ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Hivita at Jebuseo. Pagdating doon, ipagdiriwang ninyo taun-taon ang araw na ito.

6. Ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw ay tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay ipagpipista ninyo si Yahweh.

7. Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw. At sa panahong iyon, huwag magkakaroon ng pampaalsa o tinapay na may pampaalsa sa inyong lupain.

8. Sa araw na iyon, sasabihin ng bawat isa sa kanyang mga anak: ‘Ginagawa natin ito bilang pag-aalaala sa pagliligtas sa amin ni Yahweh nang ilabas niya kami sa Egipto.’