Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 9:9-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Nang ako'y umakyat sa bundok at ibigay niya sa akin ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kanyang kasunduan sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng apatnapung araw at gabi. Hindi ako kumain ni uminom.

10. Ibinigay niya sa akin ang dalawang tapyas ng batong sinulatan niya ng lahat ng kanyang sinabi sa inyo mula sa naglalagablab na apoy nang kayo'y nagkakatipon sa may paanan ng bundok.

11. Pagkalipas ng apatnapung araw at gabing pananatili ko sa bundok, ibinigay niya sa akin ang nasabing mga tapyas ng bato.

12. “Sinabi ni Yahweh sa akin, ‘Tumayo ka at puntahan mo agad ang mga taong pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto. Sila'y nagpapakasama na. Lumihis sila sa daang itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng imahen at iyon ang sinasamba nila.’

13. “Sinabi pa sa akin ni Yahweh, ‘Talagang matigas ang ulo ng mga taong ito.

14. Hayaan mo akong lipulin sila para mabura na ang alaala nila dito sa lupa, at sa iyo na magmumula ang isang bagong bansa na mas malaki at makapangyarihan kaysa kanila.’

15. “Kaya bumabâ ako mula sa nagliliyab na bundok, dala ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng kasunduan.

16. Nakita ko ang pagkakasalang ginawa ninyo laban kay Yahweh. Gumawa kayo ng guyang ginto, at lumihis sa daang itinuro niya sa inyo.

17. Dahil dito, ibinagsak ko sa lupa ang dalawang tapyas ng batong dala ko, at nagkadurug-durog iyon sa harapan ninyo.