Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 9:17-28 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. Dahil dito, ibinagsak ko sa lupa ang dalawang tapyas ng batong dala ko, at nagkadurug-durog iyon sa harapan ninyo.

18. Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ni Yahweh, at sa loob ng apatnapung araw at gabi hindi ako kumain ni uminom dahil sa mga kasalanan ninyo na labis na ikinagalit ni Yahweh.

19. Natakot ako na baka sa tindi ng galit niya'y puksain kayo. Mabuti na lamang at pinakinggan niya ako.

20. Galit na galit din siya kay Aaron, at ibig na rin niya itong patayin, kaya nanalangin ako para sa kanya.

21. Pagkatapos, kinuha ko ang guyang ginawa ninyo. Sinunog ko ito at dinurog na parang alabok saka ko ibinuhos sa batis na nagmumula sa bundok.

22. “Muli ninyong ginalit si Yahweh nang kayo'y nasa Tabera, Masah, at Kibrot-hataava.

23. Nang kayo'y pinapapunta na niya mula sa Kades-barnea upang sakupin ang lupaing ibinigay niya sa inyo, naghimagsik na naman kayo. Hindi ninyo siya pinaniwalaan ni pinakinggan man.

24. Simula nang makilala ko kayo ay lagi na lamang kayong naghihimagsik laban kay Yahweh.

25. “Nagpatirapa muli ako sa harapan ni Yahweh sa loob ng apatnapung araw at gabi sapagkat nais na niya kayong puksain.

26. Ito ang dalangin ko sa kanya: ‘Panginoong Yahweh, huwag po ninyong pupuksain ang bayang iniligtas ninyo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong walang kapantay na kapangyarihan.

27. Alalahanin po ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo ng sambayanang ito ni ang kanilang kasamaan o kasalanan sa inyo.

28. Kapag sila'y pinuksa ninyo, sasabihin ng mga taong ipapasakop ninyo sa kanila na ang mga Israelita'y dinala ninyo sa ilang upang puksain; hindi ninyo sila maihatid sa lupaing ipinangako ninyo, sapagkat matindi ang galit ninyo sa kanila.