Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 9:15-24 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. “Kaya bumabâ ako mula sa nagliliyab na bundok, dala ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng kasunduan.

16. Nakita ko ang pagkakasalang ginawa ninyo laban kay Yahweh. Gumawa kayo ng guyang ginto, at lumihis sa daang itinuro niya sa inyo.

17. Dahil dito, ibinagsak ko sa lupa ang dalawang tapyas ng batong dala ko, at nagkadurug-durog iyon sa harapan ninyo.

18. Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ni Yahweh, at sa loob ng apatnapung araw at gabi hindi ako kumain ni uminom dahil sa mga kasalanan ninyo na labis na ikinagalit ni Yahweh.

19. Natakot ako na baka sa tindi ng galit niya'y puksain kayo. Mabuti na lamang at pinakinggan niya ako.

20. Galit na galit din siya kay Aaron, at ibig na rin niya itong patayin, kaya nanalangin ako para sa kanya.

21. Pagkatapos, kinuha ko ang guyang ginawa ninyo. Sinunog ko ito at dinurog na parang alabok saka ko ibinuhos sa batis na nagmumula sa bundok.

22. “Muli ninyong ginalit si Yahweh nang kayo'y nasa Tabera, Masah, at Kibrot-hataava.

23. Nang kayo'y pinapapunta na niya mula sa Kades-barnea upang sakupin ang lupaing ibinigay niya sa inyo, naghimagsik na naman kayo. Hindi ninyo siya pinaniwalaan ni pinakinggan man.

24. Simula nang makilala ko kayo ay lagi na lamang kayong naghihimagsik laban kay Yahweh.