Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 9:1-8 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. “Pakinggan ninyo, O Israel: Ngayong araw na ito, tatawid kayo ng Jordan upang sakupin ang mga bansang makapangyarihan kaysa inyo at ang mga lunsod na napapaligiran ng matataas na pader.

2. Malalaki at matataas ang mga tagaroon, mga higante. Hindi kaila sa inyo ang kasabihang: ‘Walang makakalupig sa angkan ng higante.’

3. Subalit pakatatandaan ninyo na ang Diyos ninyong si Yahweh ang nangunguna sa inyo tulad ng isang malakas na apoy. Sila'y kanyang gagapiin upang madali ninyo silang maitataboy gaya ng sinabi ni Yahweh.

4. “Kung sila'y maitaboy na ni Yahweh alang-alang sa inyo, huwag ninyong iisipin na sila'y itinaboy dahil sa kayo'y matuwid. Ang totoo'y itinaboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan

5. at hindi dahil sa kayo'y matuwid kaya mapapasa-inyo ang lupaing iyon. Itataboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan, at bilang pagtupad pa rin sa pangako niya sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.

6. “Kaya nga't pakatatandaan ninyo na ibinibigay ni Yahweh ang lupaing ito hindi dahil sa kayo'y matuwid; ang totoo'y lahi kayo ng matitigas ang ulo.

7. Huwag ninyong kalilimutan kung bakit nagalit sa inyo si Yahweh nang kayo'y nasa ilang. Mula nang umalis kayo sa Egipto hanggang ngayon, wala na kayong ginawa kundi magreklamo.

8. Noong kayo'y nasa Sinai, ginalit ninyo nang labis si Yahweh at pupuksain na sana niya kayo noon.