Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 6:4-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. “Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.

5. Ibigin mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas.

6. Ang mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso.

7. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga.

8. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo,

9. isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan.

10. “Malapit na kayong dalhin ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lunsod na hindi kayo ang nagtatag.

11. Titira kayo sa mga tahanang sagana sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubasan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo'y naroon na at masagana na sa lahat ng bagay,

12. huwag na huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na naglabas sa inyo sa Egipto, sa bayan ng pagkaalipin.

13. Magkaroon kayo ng takot kay Yahweh, paglingkuran ninyo siya at sa kanyang pangalan kayo manumpa.

14. Huwag kayong maglilingkod sa diyus-diyosan ng mga bayang pupuntahan ninyo