Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 6:12-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. huwag na huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na naglabas sa inyo sa Egipto, sa bayan ng pagkaalipin.

13. Magkaroon kayo ng takot kay Yahweh, paglingkuran ninyo siya at sa kanyang pangalan kayo manumpa.

14. Huwag kayong maglilingkod sa diyus-diyosan ng mga bayang pupuntahan ninyo

15. sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay mapanibughuing Diyos; kapag sumamba kayo sa diyus-diyosan magagalit siya sa inyo at lilipulin niya kayong lahat.

16. “Huwag ninyong susubukin si Yahweh na inyong Diyos, tulad ng ginawa ninyo sa Masah.

17. Sundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos at mga tuntunin.

18. Gawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Yahweh, at mamumuhay kayong matiwasay. Masasakop ninyo ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno;

19. mapapalayas ninyo ang inyong mga kaaway, tulad ng pangako niya sa inyo.

20. “Kapag dumating ang araw na itanong ng inyong mga anak kung bakit kayo binigyan ni Yahweh ng kautusan at mga tuntunin,

21. ganito ang sabihin ninyo: ‘Noong araw, inalipin kami ng Faraon sa Egipto. Pinalaya kami roon ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

22. Nasaksihan namin ang maraming kababalaghang ginawa niya laban sa Faraon at sa mga Egipcio.

23. Inilabas niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno.

24. Ibinigay niya sa amin ang kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa ganoon, sasagana tayo at iingatan niyang tulad ng ginagawa niya sa atin ngayon.

25. Kalulugdan tayo ng Diyos nating si Yahweh kung susundin natin nang buong katapatan ang lahat ng ipinag-uutos niya sa atin.’