Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 4:39-45 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

39. Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh.

40. Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa ganoon, pagpapalain kayo at ang lahing susunod sa inyo. Magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.”

41. Pagkatapos, pumili si Moises ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan

42. upang maging kanlungan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. Kapag ito'y nakapasok sa alinman sa mga lunsod na iyon, ligtas na ito sa paghihiganti ng mga kamag-anak ng namatay.

43. Ito ang mga lunsod na ibinukod niya: ang Bezer sa mataas na kapatagan sa ilang para sa lipi ni Ruben; ang Ramot sa Gilead para sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Bashan para sa lipi ni Manases.

44. Ito ang kautusang ibinigay ni Moises sa mga Israelita,

45. mga batas at tuntuning ipinahayag niya nang sila'y lumabas sa Egipto.