Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 4:31-48 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

31. Siya ay mahabagin. Hindi niya kayo pababayaang malipol sapagkat hindi niya kakalimutan ang kanyang kasunduan sa inyong mga ninuno.

32. “Ipagtanong ninyo kahit saan at kahit kanino kung may naganap nang tulad nito. May nasaksihan o nabalitaan na ba kayong gaya nito mula nang likhain ng Diyos ang daigdig?

33. Maliban sa inyo, mayroon pa bang ibang sambayanan na nakarinig sa tinig ng isang diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buháy?

34. Sino bang diyos ang nagtangkang maglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng tagisan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa sa Egipto ni Yahweh na inyong Diyos?

35. Ang mga pangyayaring ito'y ipinakita niya sa inyo upang maniwala kayo na si Yahweh ay Diyos, at wala ng iba liban sa kanya.

36. Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo'y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy.

37. At dahil sa pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, pinili niya kayo, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay inilabas kayo sa Egipto.

38. Pinuksa niya ang mga bansang mas malaki at mas makapangyarihan kaysa inyo upang makapanirahan kayo sa lupaing ibinigay niya sa inyo ngayon.

39. Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh.

40. Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa ganoon, pagpapalain kayo at ang lahing susunod sa inyo. Magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.”

41. Pagkatapos, pumili si Moises ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan

42. upang maging kanlungan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. Kapag ito'y nakapasok sa alinman sa mga lunsod na iyon, ligtas na ito sa paghihiganti ng mga kamag-anak ng namatay.

43. Ito ang mga lunsod na ibinukod niya: ang Bezer sa mataas na kapatagan sa ilang para sa lipi ni Ruben; ang Ramot sa Gilead para sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Bashan para sa lipi ni Manases.

44. Ito ang kautusang ibinigay ni Moises sa mga Israelita,

45. mga batas at tuntuning ipinahayag niya nang sila'y lumabas sa Egipto.

46. Sila noon ay nasa silangan ng Jordan sa libis ng Beth-peor, sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo. Si Haring Sihon ay nagapi nga nina Moises nang sila'y umalis sa Egipto.

47. Sinakop nila ang lupain nito, pati ang lupain ni Haring Og. Ang dalawang haring ito ng mga Amoreo ang sumakop sa silangang bahagi ng Ilog Jordan.

48. Ang lupaing nasakop nila noon ay mula sa Aroer, sa tabi ng Ilog Arnon hanggang Bundok ng Zion o Hermon,