Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 4:16-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, maging kawangis ng tao,

17. hayop sa ibabaw ng lupa, ibon,

18. ng anumang gumagapang o ng anumang isda.

19. Huwag ninyong sasambahin ang araw, buwan, bituin o alinmang bagay sa kalawakan na nilalang ni Yahweh para sa tao.

20. Iniligtas kayo ni Yahweh mula sa napakainit na pugon ng pagkaalipin sa Egipto upang maging kanyang bayang hinirang.

21. Nagalit sa akin si Yahweh dahil sa inyo, at isinumpa niyang hindi ako makakarating sa masaganang lupaing ibibigay niya sa inyo.

22. Hindi ninyo ako makakasama sa kabila ng Jordan. Dito na ako mamamatay ngunit kayo'y magpapatuloy upang sakupin ang lupaing iyon.

23. Mag-ingat kayo. Huwag na huwag ninyong kalilimutan ang kasunduan ninyo ni Yahweh. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, gaya ng ipinagbawal niya sa inyo.

24. Sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay tulad ng naglalagablab na apoy at siya ay mapanibughuing Diyos.

25. “Kahit gaano katagal ang abutin ninyo roon, kahit kayo'y magkaanak at magkaapo, huwag kayong gagawa ng mga larawan upang sambahin sapagkat magagalit sa inyo si Yahweh na inyong Diyos. Masama ito sa kanyang paningin.