Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 4:1-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. “Ngayon, O Israel, pakinggan ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo upang mabuhay kayo nang matagal at mapasainyo ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, na inyong Diyos.

2. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ang mga utos na ibinigay ko sa inyo mula kay Yahweh.

3. Nakita ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Baal-peor; nilipol niya ang lahat ng sumamba kay Baal,

4. ngunit kayong nanatiling tapat kay Yahweh na inyong Diyos ay buháy pa hanggang ngayon.

5. “Ngayon nga'y itinuturo ko sa inyo ang mga batas at tuntunin na ito gaya ng ipinag-utos sa akin ni Yahweh na ating Diyos. Sundin ninyo ang mga ito sa lupaing malapit na ninyong sakupin at tirhan.

6. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at pang-unawa. Kaya't masasabi nila: ‘Ang dakilang bansang ito'y matalino at may malawak na pagkaunawa.’

7. “Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban kay Yahweh?

8. Aling bansa ang may makatarungang tuntunin at kautusan tulad ng ibinigay ko sa inyo ngayon?

9. Ngunit mag-ingat kayo. Huwag ninyong kakalimutan o babale-walain ang mga bagay na inyong nasaksihan, habang kayo'y nabubuhay. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo.

10. Huwag ninyong kalilimutan ang sinabi ni Yahweh nang kayo'y nasa harap ng Bundok ng Sinai: ‘Tipunin mo sa harapan ko ang buong bayan. Ituturo ko sa kanila ang aking mga utos upang magkaroon sila ng takot sa akin habang sila'y nabubuhay; ituturo naman nila ito sa kanilang mga anak.’

11. “At kayo'y nagtipon sa paanan ng bundok; ito'y naglagablab nang abot sa langit. Pagkatapos, nabalot ito ng ulap at kadiliman.

12. Mula sa gitna ng apoy, nagsalita sa inyo si Yahweh; narinig ninyo ang kanyang tinig ngunit hindi ninyo siya nakita.

13. Ipinahayag niya ang mga tuntunin ng kasunduang ginawa niya sa inyo, ang sampung utos na isinulat niya sa dalawang tapyas ng bato.

14. Noon, iniutos niya sa akin na ituro sa inyo ang mga tuntunin na inyong susundin sa lupaing sasakupin ninyo.

15. “Nang kayo'y kausapin ni Yahweh mula sa apoy sa Sinai, wala kayong nakitang anyo, kaya mag-ingat kayong mabuti.

16. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, maging kawangis ng tao,

17. hayop sa ibabaw ng lupa, ibon,

18. ng anumang gumagapang o ng anumang isda.

19. Huwag ninyong sasambahin ang araw, buwan, bituin o alinmang bagay sa kalawakan na nilalang ni Yahweh para sa tao.