Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 32:19-38 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

19. “Nang makita ni Yahweh ang ginawa nilang ito, napuspos siya ng galit,poot niya'y nag-alimpuyo laban sa mga anak na inari niyang totoo.

20. ‘Kaya't ako'y lalayo,’ ang sabi niya,‘Kanilang mga dalangin di na diringgin pa,tingnan ko lang ang kanilang sasapitin—isang lahing suwail, mga anak na taksil.

21. Pinanibugho nila ako sa mga diyos na hindi totoo,sa pagsamba sa kanila'y ginalit nila ako,kaya't bayang hangal kahit hindi akin ay siyang gagamitin,upang aking bayan galitin at panibughuin.

22. Galit ko'y bubuga ng nag-aalab na poot,maglalagablab hanggang sa kalaliman ng daigdig ng mga patay.Lupa't bunga nito apoy ang tutupok,sa mga saligan ng bundok siya ang susunog.’

23. “‘Tatambakan ko sila ng labis na paghihirap,pauulanan ko sila ng aking mga sibat.

24. Padadalhan ko sila ng nakakalunos na salot,matinding lagnat at gutom ang aking idudulot.Mababangis na hayop aking pasasalakayin,makamandag na ahas sila'y tutuklawin.

25. Sa mga lansanga'y magkakaroon ng mga patayan,sindak at takot naman sa mga tahanan;binata't dalaga'y kapwa pupuksain,maging pasusuhing sanggol at matatandang ubanin.

26. Naisip ko na sana'y sila ang lipulin,sa alaala ng madla sila ay pawiin.

27. Subalit ayaw kong mangyari na ang mga kaaway ay pahambog na magsabi:Kami ang lumupig sa kanila,ngunit akong si Yahweh ang talagang sa kanila'y nagparusa.’

28. “Sila'y isang bansang salat sa katuwiran,isang bayang wala ni pang-unawa man.

29. Kung sila'y matalino, naunawaan sana nila nangyaring pagkatalo.Kung bakit sila nagapi, sasabihin nila ito:

30. Paano matutugis ng isa ang sanlibo?O ang sampung libo ng dalawa katao?Sila'y pinabayaan ng kanilang batong tanggulanna sa kanila'y nagtakwil at nang-iwan.

31. Tunay ngang tanggulan nila'y hindi tulad ng sa atin;maging ating mga kaaway ito rin ang sasabihin.

32. Sila ay sanga ng ubasan ng Sodoma, mga nagmula sa taniman ng Gomorra;mga ubas nila'y tunay na lason at mapakla.

33. Ang alak na dito'y kinakatas,ay gaya ng mabagsik na kamandag ng ahas.

34. “Hindi ba't iniingatan ko ito sa aking kaban,natatakpang mahigpit sa aking taguan?

35. Akin ang paghihiganti, ako ang magpaparusa;kanilang pagbagsak ay nalalapit na.Araw ng kapahamakan sa kanila'y darating,lubos na pagkawasak ay malapit ng sapitin.

36. Bibigyan ng katarungan ni Yahweh ang kanyang bayan,mga lingkod niyang hirang kanyang kahahabagan.Kapag nakita niyang sila'y nanghihina,at lakas nila'y unti-unting nawawala.

37. Pagkatapos itatanong ng Diyos sa kanyang bayan,‘Nasaan ngayon ang inyong mga diyos,tanggulang inyong pinagkatiwalaan?

38. Sinong umubos sa taba ng inyong handog,at sino ang uminom ng alak ninyong kaloob?Bakit hindi ninyo sila tawagin at tulong ay hingin?Hindi ba nila kayo kayang sagipin?