Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 31:7-12 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Ipinatawag ni Moises si Josue at sa harapan ng sambayanan ng Israel ay sinabi ang ganito: “Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mangunguna sa bayang ito sa pagsakop sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa kanilang mga ninuno.

8. Si Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”

9. Isinulat ni Moises ang mga utos at ibinigay ito sa mga paring tagadala ng Kaban ng Tipan, at sa matatandang namumuno sa bayan.

10. Sinabi niya, “Sa Pista ng mga Tolda tuwing katapusan ng ikapitong taon na siyang taon ng pagpapatawad ng utang,

11. basahin ninyo ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa lugar na pipiliin ni Yahweh upang doo'y sambahin siya.

12. Tipunin ninyong lahat ang mga lalaki, babae, bata, pati ang mga dayuhang kasama ninyo upang marinig nila ang kautusang ito. Sa ganoon, matututo silang matakot sa Diyos ninyong si Yahweh at sumunod sa kanyang mga utos.