Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 31:13-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Pati ang inyong mga anak na hindi pa nakaaalam nito ay magkakaroon ng takot kay Yahweh habang sila'y nabubuhay sa lupaing titirhan ninyo sa ibayo ng Jordan.”

14. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Malapit ka nang mamatay. Tawagin mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan upang bigyan siya ng mga bilin.” Gayon nga ang ginawa nila.

15. Si Yahweh ay bumabâ sa Toldang Tipanan sa anyong haliging ulap at tumayo sa pintuan.

16. Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Nalalapit na ang iyong kamatayan. Kapag nangyari na ito, ang Israel ay magpapakasama at maglilingkod sa mga diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan nila. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan.

17. Kung magkaganoon, magagalit ako sa kanila. Itatakwil ko sila't tatalikuran, at sila'y madaling mabibihag ng kaaway. Daranas sila ng mga kaguluhan at kapahamakan hanggang sa mapag-isip-isip nilang ito'y dahil sa akong Diyos nila ay hindi nila kasama.

18. “Pababayaan ko sila dahil sa kasamaang ginawa nila, ang pagsamba nila sa mga diyus-diyosan.

19. Kaya nga, isulat mo ang awiting ito at ituro sa bansang Israel upang maging tagapagpaalala sa kanila.

20. Kapag nadala ko na sila sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, tulad ng aking pangako sa kanilang mga ninuno, mamumuhay na sila nang sagana at tiwasay. Ngunit sasamba sila at maglilingkod sa mga diyus-diyosan. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan.

21. Kung dumating na sa kanila ang matinding kahirapan at kaguluhan, ang awit na ito ang siyang susumbat sa kanila sapagkat matatanim ito sa isipan ng magiging lahi nila. Hindi ko pa sila nadadala sa lugar na ibibigay ko sa kanila ay alam ko na ang kanilang binabalak.”