Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 30:13-20 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Wala rin ito sa ibayong-dagat kaya hindi ninyo dapat itanong, ‘Sino ang tatawid sa dagat para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?’

14. Napakalapit ng kautusan sa inyo, nasa inyong mga labi at nasa inyong mga puso. Kailangan lang ninyo itong tuparin.

15. “Binibigyan ko kayo ngayon ng pagpipilian: buhay o kamatayan; kasaganaan o kahirapan;

16. kapag sinunod ninyo ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon mula kay Yahweh na inyong Diyos, at kung mahal ninyo siya at ginagawa ang kanyang kagustuhan, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Bibigyan niya kayo ng mahabang buhay at gagawing isang malaking bansa.

17. Ngunit kapag tumalikod kayo at ayaw nang makinig sa kanya, sa halip ay naglingkod sa ibang mga diyos,

18. ngayon pa'y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo. Hindi kayo magtatagal sa lupaing sasakupin ninyo sa ibayo ng Jordan.

19. Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo'y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mabuhay nang matagal.

20. Ibigin ninyo si Yahweh, sundin siya at manatiling tapat sa kanya upang kayo at ang inyong salinlahi ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako niya sa ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.”