Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 30:1-13 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. “Naipahayag ko na sa inyo ang mga pagpapala at ang mga sumpa; piliin ninyo kung alin ang gusto ninyo. Kapag nangyari na sa inyo ang mga ito at naninirahan na kayo sa mga bansang bumihag sa inyo, maaalala ninyo ang bagay na ito.

2. Kapag kayo at ang mga anak ninyo ay manunumbalik kay Yahweh upang buong puso't kaluluwang sundin ang kanyang mga utos na aking binabanggit sa inyo ngayon,

3. kahahabagan niya kayo at ibabalik sa magandang kalagayan. Titipunin niya kayong muli mula sa mga bansang pinagtapunan sa inyo at muli kayong pasasaganain.

4. Kahit saang sulok ng daigdig kayo mapatapon, muli niya kayong titipunin

5. at ibabalik sa lupain ng inyong mga ninuno upang muli ninyong angkinin iyon. Kayo'y higit niyang pararamihin at pasasaganain kaysa inyong mga ninuno.

6. Babaguhin niya at lilinisin ang inyong puso at gayundin ng inyong mga anak upang ibigin ninyo siya nang buong katapatan. Sa ganoon mabubuhay kayo nang matagal.

7. At ang mga sumpang ito'y ipapataw ni Yahweh sa inyong mga kaaway na nagpahirap sa inyo.

8. Muli ninyong papakinggan ang kanyang tinig at susundin ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon.

9. Pagpapalain niya ang lahat ng inyong gawain. Pararamihin niya ang inyong mga anak at mga hayop at pasasaganain ang ani ng inyong lupain. Muli siyang malulugod sa inyo at pagpapalain niya kayo, tulad ng ginawa niya sa inyong mga ninuno.

10. Ngunit kailangang makinig kayo sa kanya at buong puso't kaluluwang sumunod sa kanyang mga utos.

11. “Ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon ay hindi naman napakahirap sundin at unawain.

12. Wala ito sa langit, kaya hindi na ninyo dapat itanong, ‘Sino ang aakyat sa langit para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?’

13. Wala rin ito sa ibayong-dagat kaya hindi ninyo dapat itanong, ‘Sino ang tatawid sa dagat para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?’