Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 3:17-29 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. Sa kanluran ang lupain nila'y abot sa Ilog Jordan, mula sa Lawa ng Cineret hanggang sa Dagat na Patay. Abot naman sa Bundok Pisga sa gawing silangan.

18. “Sinabi ko sa kanila noon: ‘Ang lupaing ito ang ibinibigay sa inyo ni Yahweh na ating Diyos, ngunit ang lahat ng mandirigma ay makikipaglaban munang kasama ng ibang Israelita.

19. Maiiwan dito ang inyong mga pamilya at ang inyong mga hayop sapagkat alam kong marami kayong alagang hayop.

20. Hindi kayo babalik dito hanggang ang mga kapatid ninyong Israelita ay hindi napapanatag sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.’

21. “Ito naman ang sinabi ko kay Josue: ‘Nakita mo ang ginawa ni Yahweh sa dalawang haring Amoreo; ganoon din ang gagawin ni Yahweh sa mga hari ng lupaing pupuntahan ninyo.

22. Huwag kang matatakot sa kanila sapagkat si Yahweh ang siyang nakikipaglaban para sa inyo.’

23. “Nakiusap ako noon kay Yahweh. Ang sabi ko,

24. ‘Panginoong Yahweh, pinasimulan mo nang ipakita sa akin ang iyong kapangyarihan. Sinong diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng iyong ginagawa?

25. Hinihiling ko sa iyong patawirin mo ako sa ibayo ng Jordan upang makita ko ang maganda at masaganang lupaing iyon, ang kaburulan at ang Bundok Lebanon.’

26. “Ngunit hindi niya ako pinakinggan sapagkat nagalit nga siya sa akin dahil sa inyo. Ang sagot niya sa akin: ‘Tumigil ka na! Huwag mo nang mabanggit-banggit sa akin ang bagay na ito.

27. Umakyat ka na lamang sa tuktok ng Pisga at tanawin mo ang paligid sapagkat hindi ka makakatawid ng Jordan.

28. Ituro mo kay Josue ang dapat niyang gawin, at palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop sa lupaing matatanaw mo.’

29. “At nanatili tayo sa libis na nasa tapat ng Beth-peor.