Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 29:5-15 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Apatnapung taon akong nanguna sa inyo sa ilang. Hindi kailanman nasira ang inyong kasuotan ni napudpod ang inyong sandalyas.

6. Wala kayong pagkain o inumin ngunit binigyan kayo ni Yahweh upang malaman ninyong siya ang ating Diyos.

7. Pagdating ninyo rito, dinigma tayo ni Haring Sihon ng Hesbon at ni Haring Og ng Bashan. Ngunit nagapi natin sila.

8. Nasakop natin ang kanilang lupain at iyon ang ibinigay natin sa lipi nina Ruben, Gad at sa kalahati ng lipi ni Manases.

9. Kaya, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin ng kasunduang ito upang magtagumpay kayo sa lahat ng inyong gagawin.

10. “Ngayo'y narito tayong lahat sa harapan ni Yahweh—ang pinuno ng bawat lipi, ang matatandang pinuno, ang mga opisyal, ang mga mandirigma ng Israel,

11. ang inyong mga asawa at mga anak, at kahit ang mga dayuhang nagsisibak ng kahoy at nag-iigib ng tubig para sa inyo—

12. upang manumpa sa pangalan ni Yahweh at makipagtipan sa kanya.

13. Sa pamamagitan ng kasunduang ito, ipinapahayag niyang kayo ang kanyang bayan at siya ay inyong Diyos tulad ng kanyang ipinangako sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.

14. At ang kasunduang ito'y hindi lamang para sa ating narito ngayon

15. kundi pati sa mga magiging mga anak natin.