Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 29:16-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. “Hindi kaila sa inyo ang naging buhay natin sa Egipto, at sa mga bansang nadaanan natin sa paglalakbay.

17. Nakita ninyo ang kasuklam-suklam nilang gawain, ang mga diyos nilang yari sa bato, kahoy, pilak at ginto.

18. Mag-ingat nga kayo at baka sa inyo'y may isang lalaki, babae, sambahayan o angkang tumalikod kay Yahweh upang maglingkod sa diyus-diyosan ng mga bansang iyon. Baka sa inyo'y may lumitaw na isang taong katulad ng punongkahoy na mapait at nakakalason ang bunga.

19. Baka kung marinig niya ang mga tuntunin ng kasunduang ito ay sabihin niya sa kanyang sariling hindi siya mapapahamak kahit sundin ang sariling kagustuhan. Ito ang magdadala ng kapahamakan sa lahat, mabuti man o masama.

20. Hindi patatawarin ni Yahweh ang ganoong tao, sa halip ay magagalit siya sa taong iyon. Mangyayari sa kanya ang lahat ng sumpang nakasulat sa aklat ng kautusang ito hanggang sa lubusan siyang mapuksa ni Yahweh.

21. Ihihiwalay siya ni Yahweh mula sa mga lipi ng Israel upang ibuhos sa kanya ang sumpang nakatala sa aklat na ito.

22. “Makikita ng salinlahing susunod sa atin, at ng mga dayuhang mula sa malalayong bansa ang mabigat na parusa ni Yahweh.

23. Makikita nila ang lupaing tinupok sa pamamagitan ng asupre at tinabunan ng asin. Kaya't kahit damo ay hindi tutubo roon, gaya ng nangyari sa Sodoma at Gomorra, Adma at Zeboim nang ibagsak niya rito ang kanyang matinding galit.