Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 28:7-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. “Ang mga kaaway na magtatangkang lumaban sa inyo ay matatalo ninyo sa tulong ni Yahweh. Sasalakayin nila kayo ngunit magkakanya-kanya sila sa pagtakas.

8. “Pagpapalain niya ang inyong mga kamalig at lahat ng inyong gawain; pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.

9. “Tulad ng pangako ni Yahweh, kayo'y gagawin niyang isang bansang matatag at nakalaan sa kanya kung susundin ninyo siya at tutuparin ang kanyang mga tuntunin.

10. Sa ganoon makikita ng lahat ng bansa na kayo'y kanyang bayan, at matatakot sila sa inyo.

11. Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Pararamihin niya ang inyong anak, at mga hayop, at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin.

12. Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan. Pagpapalain nga niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. Dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa.

13. Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod. Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon.

14. Huwag ninyong lalabagin ang alinman sa sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong lilihis sa kanan o sa kaliwa. Huwag kayong tatalikod kay Yahweh ni sasamba o maglilingkod sa mga diyus-diyosan.

15. “Subalit kung hindi kayo makikinig kay Yahweh na inyong Diyos at hindi susunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon, mangyayari sa inyo ang mga sumpang ito:

16. “Susumpain niya kayo, ang inyong mga lunsod at ang inyong mga bukid.

17. “Susumpain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.