Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 28:50-59 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

50. Matitigas ang kalooban ng mga taong iyon, at walang awa sa matanda man o bata.

51. Uubusin nila ang inyong mga hayop, pati ang ani ng inyong lupain. Wala silang ititira sa inyong ani, inumin, langis, baka o kawan, hanggang sa kayo'y malipol.

52. Kukubkubin nila ang inyong mga bayan sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh hanggang sa gumuho ang nagtataasang pader na sa akala ninyo'y magliligtas sa inyo.

53. “Kapag kinubkob kayo ng inyong mga kaaway, sa tindi ng inyong gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak na ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.

54. Magiging maramot pati ang pinakamabait na tao. Hindi niya bibigyan ng pagkain pati kanyang kapatid, asawa o ang nalalabi niyang anak.

55. Sinuman sa kanila'y hindi niya bibigyan ng kinakain niyang karne ng kanyang anak sa takot na mawalan siya ng makakain. Ganyan ang aabutin ninyo sa panahon ng pagkubkob sa inyo ng inyong mga kaaway.

56. Maging ang pinakamabait at pinakamaselang babae sa Israel na dati'y hindi tumutuntong ng lupa ay magiging maramot pati sa asawa't mga anak.

57. Maging ang kasisilang na sanggol at ang mga anak na kanyang isinilang ay ipagdadamot niya. Lihim niya itong kakainin at pagkaubos ay ang sanggol ang isusunod niya. Ganyan nga ang aabutin ninyo sa panahon ng pagsalakay sa inyo ng inyong mga kaaway.

58. “Kapag hindi ninyo sinunod ang lahat ng utos sa aklat na ito at hindi ninyo iginalang ang kahanga-hanga at kakila-kilabot na pangalan ni Yahweh,

59. kayo at hanggang sa inyong kaapu-apuhan ay padadalhan niya ng matinding kahirapan at mga salot na walang katapusan.