Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 28:40-50 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

40. Magkakaroon nga kayo ng maraming punong olibo sa inyong lupain ngunit hindi kayo makakakuha ng langis sapagkat malalagas ang mga bunga nito.

41. Magkakaanak kayo ngunit mawawala sa inyo sapagkat mabibihag ng mga kaaway.

42. Uubusin ng mga kulisap ang inyong mga punongkahoy at pananim.

43. “Uunlad ang kabuhayan ng mga dayuhang kasama ninyo ngunit ang kabuhayan ninyo'y patuloy na babagsak.

44. Sila ang magpapautang sa inyo at wala kayong maipapautang sa kanila. Sila ang mamumuno sa inyo at kayo'y tagasunod nila.

45. “Kapag hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh at hindi sumunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo, magaganap sa inyo ang lahat ng mga sumpang ito hanggang kayo'y lubusang mapuksa.

46. Ang mga ito'y magsisilbing patotoo ng hatol ng Diyos sa inyo at sa inyong magiging lahi magpakailanman.

47. Hindi ninyo pinaglingkuran nang buong kasiyahan at kagalakan si Yahweh sa panahon ng inyong kasaganaan.

48. Kaya, ipapasakop niya kayo sa inyong mga kaaway. Sila ang paglilingkuran ninyo sa panahon ng kagutuman, kauhawan, kahubaran at kakulangan sa lahat ng bagay. Pahihirapan kayo ni Yahweh hanggang kayo ay malipol.

49. Ipapalusob kayo ni Yahweh sa isang bansang mula pa sa kabilang panig ng daigdig. Hindi ninyo alam ang kanilang wika. Simbilis ng agila na sasalakayin nila kayo.

50. Matitigas ang kalooban ng mga taong iyon, at walang awa sa matanda man o bata.