Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 28:28-40 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

28. Dahil sa mga gagawin ni Yahweh sa inyo ay masisiraan kayo ng bait, bubulagin niya kayo at lilituhin.

29. Parang bulag kayong mangangapa sa katanghaliang-tapat, at maliligaw kayo sa inyong mga lakad. Anuman ang inyong gawin ay hindi kayo magtatagumpay. Patuloy kayong gigipitin at sasamsaman ng ari-arian ngunit walang sasaklolo sa inyo.

30. “Makikipagkasundo kayong pakasal sa isang babae ngunit iba ang mapapangasawa niya. Magtatayo kayo ng bahay ngunit iba ang titira. Magtatanim kayo ng ubas ngunit iba ang makikinabang.

31. Kakatayin ang sarili ninyong baka sa harapan ninyo ngunit hindi ninyo matitikman. Aagawin sa inyo ang inyong asno at hindi na ibabalik. Ang mga tupa ninyo'y sasamsamin ng kaaway at hindi na ninyo mababawi.

32. Ang inyong mga anak ay kitang-kita ninyong ibibigay sa ibang tao, ngunit wala kayong magagawa.

33. Isang bansang hindi ninyo kilala ang makikinabang sa ani ng inyong lupain at sa bunga ng inyong pagpapagod. Pahihirapan nila kayo at patuloy na aapihin

34. hanggang sa masiraan kayo ng bait dahil sa inyong paghihirap.

35. Pahihirapan kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng bukol sa tuhod at binti. Hindi ninyo ito mapapagaling, sa halip ay kakalat mula sa ulo hanggang paa.

36. “Kayo at ang inyong hari ay ipapabihag ni Yahweh sa isang bansang hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Maglilingkod kayo sa kanilang diyos na yari sa kahoy at bato.

37. Sa mga bansang pagtatapunan sa inyo ni Yahweh ay magiging katatawanan kayo at pag-uusapan. Magtataka ang mga tao roon sa inyong kinahinatnan.

38. “Maghahasik kayo ng marami ngunit kaunti lamang ang maaani sapagkat sisirain ng mga balang.

39. Magtatanim kayo ng ubas at masinop ninyo itong aalagaan ngunit hindi kayo makakatikim ng bunga o katas nito sapagkat sisirain ng uod.

40. Magkakaroon nga kayo ng maraming punong olibo sa inyong lupain ngunit hindi kayo makakakuha ng langis sapagkat malalagas ang mga bunga nito.