Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 28:16-28 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. “Susumpain niya kayo, ang inyong mga lunsod at ang inyong mga bukid.

17. “Susumpain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.

18. “Susumpain niya kayo at magkakaroon lamang kayo ng iilang anak, mahinang ani, at kaunting alagang hayop.

19. “Mabibigo kayo sa lahat ng inyong gagawin.

20. “Padadalhan niya kayo ng kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa lahat ng inyong gagawin hanggang sa kayo'y malipol. Gagawin niya ito dahil sa pagtalikod ninyo sa kanya.

21. Hindi niya kayo aalisan ng salot hanggang sa maubos kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.

22. Lilipulin kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng sakit na pagkatuyo, nag-aapoy na lagnat, pamamaga ng katawan, at sakit sa balat; padadalhan din niya kayo ng matinding init at tagtuyot. Hindi kayo titigilan ng mga ito hanggang hindi kayo nalilipol.

23. Ipagkakait sa inyo ang ulan at dahil dito, magiging parang bakal ang lupa dahil sa pagkatigang.

24. Pauulanan kayo ni Yahweh ng alikabok sa halip na tubig hanggang sa kayo'y lubusang mapuksa.

25. “Hahayaan niyang matalo kayo ng inyong mga kaaway. Lalaban kayo sa kanila ngunit magkakanya-kanya kayo ng takbo. Dahil dito, kikilabutan ang lahat ng bansa sa inyong sinapit.

26. Kakainin ng mga ibon at mga hayop ang inyong mga bangkay ngunit walang mag-aabalang bumugaw sa mga ito.

27. Pahihirapan kayo ng mga pigsa, gaya ng ginawa ni Yahweh sa mga Egipcio. Tatadtarin niya kayo ng galis, buni at pangangati ng balat na hindi mapapagaling.

28. Dahil sa mga gagawin ni Yahweh sa inyo ay masisiraan kayo ng bait, bubulagin niya kayo at lilituhin.